Welcome to PECOG Official Community Forum
Would you like to react to this message? Create an account in a few clicks or log in to continue.

Welcome to PECOG Official Community Forum

Welcome to PECOG Official Community Forum
 
HomeEventsFB PageFB GroupPublicationsLatest imagesRegisterLog in

Welcome to PECOG Community Forum! Princess Elizabeth Chosen One Global or PECOG is 100% free of charge in joining our group. A NON-PROFITABLE organization basically for a NOBLE CAUSE; which is separate from the government, a private, voluntary self-governing organization/group-cored for the welfare of all OFWS' and INDIGENTS as well.

 

 Ika-6 Labas - HULING DIGMAAN

Go down 
AuthorMessage
Admin
WebMaster
WebMaster
Admin


Posts : 23
Join date : 2019-02-06

Ika-6 Labas - HULING DIGMAAN Empty
PostSubject: Ika-6 Labas - HULING DIGMAAN   Ika-6 Labas - HULING DIGMAAN Icon_minitimeFri Feb 22, 2019 2:54 pm

Ika-6 Labas - HULING DIGMAAN Screen13

Ika-6 Labas

Ano ang pakay ng THE THIRD KINGDOM sa mundo, at sino ang mga ito?

Reynaldo Macabanting Grande’s
HULING DIGMAAN
(Ang Paglaya ng Mundo sa Kamay ng Diyablo)

Ika-4 Kabanata

0630Hrs
BREAKING NEWS. Umalingawngaw sa lahat ng TV at radio stations at mabilis na kumalat sa social media ang balita tungkol sa sabayang pagsalakay ng hindi kilalang mga armadong grupo sa iba’t-ibang lugar sa buong kapuluan na pawang naka itim ng kasuotan, na, ayon sa ulat ng mga awtoridad ay puwersahang isinasama ang sinumang taong kanilang mararatnan, sa hindi pa matukoy at malamang kadahilanan.

Sa mga night club, maraming GRO ang hinahanap ng mga kaanak. Nawawala si Anna Ria, isang sumisikat na starlet.

Kabilang sa mga nawawala ay mga professor sa sikat na Computer Schools, mga Chef sa sikat na mga Hotel at Restaurant, mga security guards, mga skilled worker na stay-in sa mga constructions sites, Call Center Workers, at ultimong mga vendors, mga batang kalye, at pati mga pulubi sa mga lansangan ay isinasama nila.

Nagkalat sa mga karagatan ang napakaraming bangkang pangisda na mga naabandona o inabandona na, na tinangay ng mga alon buhat sa iba’t ibang dako na walang makapagsabi kung nasaan ang mga crew o operators.

Nagkakaroon ng mga engkwentro sa pagitan ng mga alagad ng pamahalaan at ng sinasabing armadong grupo. Nagkakagulo sa iba’t-ibang Police Station at military camps sa buong kapuluan. Na, ayon pa rin sa mga balita ang ilang mga sundalo at mga ka-pulisan ay kusang nagsisama na tangay ang isyung mga baril at iba pang mga sandata.

Walang maibigay na kasagutan sa napakaraming katanungan ang mga awtoridad dahil sa kabiglaanan.

Mayroong mga reporters na kahit paano’y nakakakalap ng mga impormasyon sa pamamagitan ng kanilang sariling resources, pamamaraan, pagtitiyaga at pagsisikap, nguni’t kulang pa rin upang makabuo ng malinaw na istorya.

“Kung hindi mga rebelde o terorista, anong klaseng grupo ang may kagagawan ng pagdukot na ito sa marami nating kababayan? At ano itong The Third Kingdom?” Tanong ng bayan.

“Ano ang pakay ng The Third Kingdom sa mundo at sino ang mga ito?” Tanong ng mga News Casters at Broadcasters.

Sabayang ipinarinig ang tinig ng Pangulo sa mga radyo na nagbibigay-babala at nakikiusap sa mga mamamayan na hangga’t maaari’y huwag munang magsilabas sa kanilang mga bahay para sa kani-kanilang kaligtasan.
Maririnig din ang tinig ng ilang Militant Leaders ng iba’t-ibang grupo sa mga radyo. Ang ilan ay nagsadya sa mga TV Network upang doon magpahayag ng kanilang damdamin. Sinasabi nila na diumano, ang sinasabing The Third Kingdom ay pakulo lang ng administrasyon para hindi matuloy ang nakatakdang malaking rally. 
0900Hrs
Dapat ay marami nang raliyista ang makikitang nagma-martsa sa mga lansangan upang magtagpu-tagpo sa napag-usapang lugar, nguni’t mangilan-ngilan lamang ang lumabas ng kani-kanilang bahay. Ang ibig sabihin, higit na marami ang naniniwala na totoo ang naglabasang mga balita at ang babala ng Pangulo.
Samantala, pagkatapos ng pakikipagpulong ni GEN STA ANA sa Major Services Commanders at SLB Senior Officers ay bumalik ito sa kanyang upisina. Lulugu-lugong naupo sa kanyang swivel chair. Napahampas muli ang kanyang mga palad sa lamesa. Panay ang pagbubuntong-hininga, sapagka’t hindi pa nga nagkakaroon ng kalutasan ang kasalukuyang mga problemang hinaharap ay heto na naman at may panibagong pagkakaabalahan, na alam na alam niyang darating, nguni’t hindi niya tiyak kung kailan— ngayon na pala.
Nagkataon lang na totoong maraming banta kung kaya’t nairekomenda ni GEN STA ANA sa kanyang Commander-in-Chief na ideklara ang red alert. Nguni’t ang tungkol sa The Third Kingdom, nang i-report niya ito sa Pangulo at sa Secretary of National Defense ay pinagtawanan lang siya at sinabihan pa na ni sa panaginip ay hindi magkakatotoo, kaya minabuti na lamang niyang manahimik muna, gayonman, palihim niyang inatasan si VICE ADMIRAL FIDEL GOLEM, ang Flag Officer-in-Command (FOIC) ng Navy na ipagpatuloy ang pag-iimbistiga at pagmamanman. Ipinagkatiwala naman ng FOIC at ng CO ng Naval Intelligence kina CDR SALVADOR at LTSG KING ang pamumuno sa binuong team para sa misyon.
Dalwang tao lang ang iniisip ni GEN STA ANA na nasa likod ng mga kaganapan na gawa ng The Third Kingdom. Ang mga classmates niya sa Military Academy na sina PANTALEON “LEON” LACUNA, ang uncle ni Myra at VICENTE SANTILLAN.
Matagal nang hindi nakikita o naririnig man lang ang mga pangalan ng kanyang mga Mistah. Ang huling pagkikita nila ni Leon ay noong mag-reunion ang kanilang batch na ginanap sa Officers’ Club ng General Headquarters, noong ang mga ranggo nila’y Major pa lamang. 
Naalala niya ang sinabi ni Leon na aalis na ito sa serbisyo para mangibang-bayan upang maghanda. Binitiwan ang pangako na kung hindi pa rin titino ang mga pinuno ng pamahalaan, lalo na ng Sandatahang Lakas—at kung hindi pa rin uunlad ang bansa ay papasukin niya ang pulitika at kakandidato bilang presidente.
Nguni’t mas malakas ang kutob niya na hindi si LEON LACUNA ang nasa likod ng The Third Kingdom, kundi si VICENTE SANTILLAN. 
“Itinuloy din pala niya. Tinotoo ang sinabi noon sa akin.” Kinakausap ni GEN STA ANA ang sarili. Bumalik sa kanyang alaala ang pinakahuli nilang pagkikita sa isang military camp sa Katimugan. Pareho sila ng ranggo noon ni LTCOL VICENTE SANTILLAN. Pareho rin nilang inaabangan ang pagbaba ng order para sa kanilang promotion sa pagiging Full Pledge Coronel. 
Si LTCOL SANTILLAN ay naka-assign noon sa Palasyo bilang Psy-War adviser ng Pangulo nang mga panahong iyon, samantalang siya , sa mismong araw ng huli nilang pagkikita ay papalipad papuntang National Capital Region para mag-report sa General Headquarters ng Marines para sa kanyang bagong assignment, mula sa pagiging Operations Officer ng Southern Command, ay magiging Chief of Staff.
Kasama ng presidente sa paglipad patungong Southern Command sa Katimugan si LTCOL SANTILLAN at sa Officers Club sila nagtagpo ni LTCOL STA ANA. Nagyakap pa ang dalwang mag-Mistah na parehong naka complete uniform. Sinamantala nila ang pagkakataong makapag-usap habang ang Presidente ay nakikipag one-on-one sa Commander ng Southern Command. Parehong iced cold tea ang inorder. Nagbalitaan at nagkwentuhan.
“Salamat uli, Mistah, sa pagkakaligtas mo ng dalawang beses sa buhay ko.” Mahigpit ang pagkakahawak ni LTCOL SANTILLAN sa mga palad niya, kasabay ng pamumula ng mga mata.
“Maraming ulit ka nang nagpasalamat sa akin tungkol diyan, Mistah.” Dalawang kamay naman ni LTCOL STA ANA ang mahigpit na nakapisil sa mga palad ni LTCOL SANTILLAN.
“Hindi ko lang talaga kasi maubos maisip, Mistah, noong mga Cadete pa lang tayo. Kung nagkataong hindi mo ako ginising sa pamamagitan ng paghaltak mo sa…alam mo na, kay manoy ko, siguro wala na ako sa mundong ibabaw. Sa tindi kasi ng pagod at pananakit ng aking katawan nang gabing iyon ay bangungot pala ang katapat.” Napapailing at napapabuntong-hininga si LTCOL SANTILLAN. “Gano’n lang pala kadali ang mamatay kung talagang gugustuhin ng Diyos.”
“Iyan ang ipagpasalamat mo sa Lola ko, Mistah”. Birong pagmamalaki ni LTCOL STA ANA. “Kung hindi ko kasi narinig noon sa kanya kung paanong ginigising at inililigtas sa kamatayan ang binabangungot ay hindi ko sana naisip na haltakin si manoy mo.” Malakas na nagtawanan ang dalawa. 
“Pero huwag mo ring kalimutan si Leon. Siya ang gumising sa akin para haltakin si manoy mo dahil hindi niya alam ang gagawin.
Huminto panandali ang pagtawa ni LTCOL SANTILLAN. Muling may sumariwang alaala sa isipan. “Ang ikalawa, Mistah, noong nagpapalit tayo ng bubungan ng gym na sinira ng bagyo, bilang parusa nating tatlo, dahil malulain ako, kung hindi ninyo iniharang ni Leon ang inyong mga katawan doon sa bubungan, siguro nagkalasug-lasog ang mga buto ko sa taas ng aking babagsakan. Whewww!”
“Iyan naman ang ipagpasalamat mo sa ex-girlfriend ko, sa kumareng Gloria mo. Dahil kung hindi niya ako na-training kung paano ang tamang pagdapa na itinuro ko rin kay Leon ay natangay sana kami ng mabigat mong katawan pabagsak sa ibaba.” Hinihintay ni LTCOL STA ANA ang muling pagtawa ng Mistah, nguni’t sa halip, nangulimlim ang mukha nito.
Biglang sumeryoso si LTCOL SANTILLAN. “K-kumusta na nga pala si kumareng Gloria, padre, at…at ang kanyang kapatid—si Nayda?” 
Sabay kasi silang nanliligaw noon. Si LTCOL STA ANA ay kay Gloria na naging asawa niya, at si LTCOL SANTILLAN ay kay Nayda na kapatid ni Gloria. Nguni’t hindi sinuwerte dahil nang mga panahong iyon ay may iba nang mahal si Nayda. Katunayan, dalawa pa silang umabay sa “grandeng-grandeng” kasal nito.
“Si kumareng Gloria mo, padre ay tuloy pa rin sa kanyang pagtuturo, at kapag hindi busy sa mga araw ng Sabado at Linggo ay naglilibang sa kanyang mini-mart sa lugar namin. Ang inaanak mo, si Lucy, ay Grade 1V na ngayon. Sa kadaldalan ng bata ay mukhang bagay na bagay na maging abugada.
Kumislap ang mga mata ni LTCOL SANTILLAN tanda ng katuwaan sa ibinalita ni LTCOL STA ANA, pero bigla uling nangulimlim ang mukha at nagyuko ng ulo.
“Tungkol kay Nayda, padre, sa Los Angeles, U.S.A. na naninirahan, at may bago nang pamilya. British-American ang bago niyang nakasama. Hindi sila nagkaanak ng kanyang unang napangasawa at hindi rin naging mapalad, dahil sa dami ng pera ng lalake ay walang malamang gawin kundi ang maglustay at pumasok sa lahat ng uri ng bisyo, pati pambababae. Wala pang tatlong taong nagsama ay nagkahiwalay na.” 
Sapat na ang ibinalitang iyon ni LTCOL STA ANA para mag-iba ng topic si LTCOL SANTILLAN. Nagpapakirot lang kasi sa dibdib niya. Sinikap na papanumbalikin ang kasiglahan ng kanilang pag-uusap. “Siyanga pala, Mistah, pinagre-resign ako ni Presidente sa serbisyo.”
“A-anong sinabi mo, Padre? B-bakit?” Napabalikwas si LTCOL STA ANA mula sa pagkakasandal sa kanyang upuan. Ang una kasing pumasok sa kanyang isipan ay baka may hindi nagustuhan ang presidente sa performance ng kumpadre, o kaya’y nasangkot ito sa kaso. Pero nakangiti si LTCOL SANTILLAN. “Wala kang dapat alalahanin, padre, pinag-re-resign ako for good.” Dumukwang ito at tinapik-tapik siya sa balikat.
Saka lang bumalik sa pagkakasandal sa kanyang upuan si LTCOL STA ANA. Pinanabikan ang karugtong na sasabihin ng kanyang kumpadre.
“May mahalagang papel akong gagampanan, padre. May ipinatatrabaho sa akin si presidente. Kung magtatagumpay ako, ito na ang simula ng tuluyang pag-unlad at pagyaman ng ating bansa. Titingalain tayo ng buong mundo.” Nakatingala si LTCOL SANTILLAN sa umiikot na ceiling fan na para bagang kasabay sa pag-ikot nito ang katuparan ng mga pinangangarap.

Diretso naman ang pagkakatitig ng mga mata ni LTCOL STA ANA sa kanyang kumpadre. Halos nahuhulaan na niya kung anong trabaho ang gagawin nito para sa presidente. Malakas ang bulung-bulungan sa bakuran ng Sandatahang Lakas tungkol sa Yamashita Treasures, at tiyak, ito ang trabahong tinutukoy.
“Matindi at mahigpit ang labanan sa pulitika sa ating bansa, Mistah. Sa tingin mo kaya ay hindi ito maging hadlang sa sinasabi mo? Alam mo na, hindi maiiwasan ang inggitan, selosan at siraan, na maaari pang humantong sa patayan.” Ang mukha naman ni LTCOL STA ANA ang nangulimlim.
“Mga kalaban lamang sa pulitika at mayayamang negosyante ang maaaring umisip ng masama, hindi ang taong-bayan.” Tugon ni LTCOL SANTILLAN.
“Pero paano nga kung mas mangibabaw ang personal na interes ng mga kalaban? Alam nating pareho na marami nang naiinip na gusto ring maging presidente at hawakan ang administrasyon ng gobyerno.”
“Iyan ang dahilan, kumpadre, kung bakit triple ang pag-iingat ni presidente. Una, ay para makatiyak na walang hahadlang sa kanyang mga pangarap para sa ating bayan. Ang ikalawa ay para malaman at makita niya kung sinu-sino ang mga traidor sa mga nakadikit sa kanya. Pero kapag nagkagayon, sa kabila ng pagkaseryoso ni presidente na mapaunlad ang ating bansa para sa mga mamamayan, kung loloobin ng Diyos na buhay pa ako sa darating na panahon, mapipilitan akong magtayo ng sarili kong pamahalaan. Isang kaharian, padre, at ako ang magtutuloy ng mga gustong mangyari ni presidente.”
“M-marami nga palang salamat, padre sa pag-back-up mo sa akin kay presidente. Malaking bagay na nakadikit ka sa kanya. Alam kong malaki ang naging papel mo para sa bago kong assignment.
“Maliit na bagay lang ‘yan, padre, kumpara sa mga ginawa mo sa akin. Pero sa totoo lang, ang malinis na record at magandang performance mo ang nag-angat sa ‘yo.” 
Marami pang napag-usapan ang mag-kumpare at mag-Mistah, hanggang sa tuluyan na silang nagpaalamanan.
Muling napabalikwas si GEN STA ANA sa pagkakasandal sa kanyang swivel chair nang pumasok ang kanyang aide na may bitbit na mga papeles. “S-sir, maraming reporters sa labas. May Foreign Press pa at gusto kayong ma-interview.” 
“S-sige, papasukin mo sila after ten minutes. ”Pagkatalikod ng kanyang aide ay pabulong niyang nausal. “Wala nang iba, si Senador Vicente Santillan— ang aking kumpadre, ang nasa likod ng The Third Kingdom, hindi si Leon.”

ITUTULOY
Posted: 21 August 2018/05 February 2019

farao king queen  jocolor  afro
Back to top Go down
https://pecog.forumotion.com
 
Ika-6 Labas - HULING DIGMAAN
Back to top 
Page 1 of 1
 Similar topics
-
» Ika-5 Labas - HULING DIGMAAN
» Ika-7 Labas - HULING DIGMAAN
» Ika-8 Labas - HULING DIGMAAN
» Ika-9 Labas - HULING DIGMAAN
» UNANG LABAS - SYNOPSIS

Permissions in this forum:You cannot reply to topics in this forum
Welcome to PECOG Official Community Forum :: Wealth of The Nations Section :: SUNEP - Spiritual Unifier Neutralizer Equalizer Purifier-
Jump to: