Welcome to PECOG Official Community Forum
Would you like to react to this message? Create an account in a few clicks or log in to continue.

Welcome to PECOG Official Community Forum

Welcome to PECOG Official Community Forum
 
HomeEventsFB PageFB GroupPublicationsLatest imagesRegisterLog in

Welcome to PECOG Community Forum! Princess Elizabeth Chosen One Global or PECOG is 100% free of charge in joining our group. A NON-PROFITABLE organization basically for a NOBLE CAUSE; which is separate from the government, a private, voluntary self-governing organization/group-cored for the welfare of all OFWS' and INDIGENTS as well.

 

 Ika-5 Labas - HULING DIGMAAN

Go down 
AuthorMessage
Admin
WebMaster
WebMaster
Admin


Posts : 23
Join date : 2019-02-06

Ika-5 Labas - HULING DIGMAAN Empty
PostSubject: Ika-5 Labas - HULING DIGMAAN   Ika-5 Labas - HULING DIGMAAN Icon_minitimeFri Feb 22, 2019 2:50 pm

Ika-5 Labas - HULING DIGMAAN Screen13

Ika-5 Labas

Nasa RED ALERT status pa rin ang Sandatahang Lakas sa buong kapuluan, at ang pinakabagong intelligence report ay ang maaaring pagsalakay ng diumano’y puwersa ng nagpapakilalang The Third Kingdom, na kahit wala pang malinaw at kumpletong impormasyon tungkol dito ay isa ito sa kanyang pinaghahandaan, nguni’t sinisikap na itago at ilihim muna sa MEDIA.

Reynaldo Macabanting Grande’s
HULING DIGMAAN
(Ang Paglaya ng Mundo sa Kamay ng Diyablo)

Ika-3 Kabanata

0430Hrs. SLB General Headquarters, Camp General Pedro Liwanag 
Malapit nang sumilay ang nakasisilaw na liwanag ng haring araw mula sa kanyang sikatan. Maaliwalas at tahimik ang loob at labas ng kampo nguni’t ang katahimikang ito ay tila isang pagkukunwari lamang sapagka’t ang katotohanang ipinararamdam ng katagang ito ay panganib, pagkabahala at pangamba sa puso ng mga mamamayan. Ang dahilan, may nakaambang mga pangyayaring magdudulot na naman ng sindak at pagkatakot, katulad ng pagpapasabog ng mga bomba, kidnap for ransom, coup attempts—at ang hindi na natapus-tapos na mga tunggaliang nagaganap sa iba’t-ibang bahagi ng bansa sa pagitan ng mga rebelde at militar.
Nguni’t ang lahat ng mga ito ay biglang natakpan ng naganap na masaker sa katimugan. Limampu at pito ka-tao ang namatay. Tatlumpong kagawad ng Media ang nadamay. Mahigit isang daan naman daw ang sangkot sa pagpatay, kabilang ang ilang pulis, Civilian Volunteers Organization at iba pa—na, ang nag-mastermind diumano ay isang makapangyarihang angkan na puro nasa mataas na katungkulan sa lokal na pamahalaan na para daw mga diyos sa kanilang lugar, na kaalyado raw ng administrasyon.
“Nakakapanghilakbot. Nakaririmarim, dahil hindi na masasabing “tao” ang mga nagsigawa ng krimeng ito.” Ayon sa isang concerned citizen.
WE ARE ON RED ALERT.
Dati-rati’y sa isang maliit na tabla nakasulat ang mga katagang ito, na sa tuwing idinedeklara ay isasabit lamang sa isang lantad na bahagi ng gate ng kampo para sa kaalaman ng mga driver ng mga sasakyang lumalabas at pumapasok sa loob, para sa pagtalima sa madaliang inspeksiyon. Nguni’t ngayon ay nakasulat na ito sa isang malaking streamer na nakaladlad at nakasabit sa pinaka gitnang bahagi, sa itaas ng gate, na tila nagpapahiwatig na may mas malaki pang pangyayari ang magaganap na ikagugulat at ikagigimbal, hindi lamang ng buong bansa kundi ng buong mundo.
Ito ang ika-labing limang araw na itinakda ng grupo ni CAPT ROJANO at LTSG KING, na, kahit na pinag-iba-iba nila ang mga pahayag na naglabasan sa Quad Media, ayon sa plano ay hindi pa rin napaglalangan ang administrasyon. Natunugan at namanmanan pa rin ang mga kilos nila sa pamamagitan ng mga report ng mga tapat na ahente ng pamahalaan. Iba talaga ang nagagawa ng kapangyarihan at kinang ng salapi.
Isang gate lang ang itinalagang bukas para sa mga tao at mga sasakyang lumalabas at pumapasok sa kampo. Triple ang puwersa ng mga guwardiya na pawang naka-full-battle gear, bukod pa sa nakakalat na mga sundalo sa paligid na naka-full-battle gear din. Mga kawal, na kung pagmamasdan ang uniporme at ang nakapulupot na mga bala ng kanilang baril sa katawan, pati na ang nakasukbit at nakasabit na kung anu-anong bagay sa mga baywang ay sasabihin ng sinoman na handa silang pumatay at mamatay alang-alang sa pagtupad sa tungkulin o katungkulan para sa bayan –subali’t kung papansinin ang kanilang mga kilos at galaw, at kung tititigan ang kanilang mga mata ay mabubuo ang isang katotohanan, na kaya lamang sila nagtatrabaho ay dahil sa suweldong tinatanggap para sa kani-kanilang pamilya at hindi dahil sa lubos nilang pagganap sa iniaatas na gawain na madalas ay laban sa kanilang kalooban.
Sa isang bahagi, sa loob ng malawak na kampo ay naka-standby ang maraming six by six trucks, weapons carriers at mga tangke. Nakakalat ang iba’t-ibang uri ng sasakyang gamit ng intelligence operatives. Puno rin ng mga sundalo na pawang nakahilata sa Parade Ground, gayondin ang itaas ng malaking Grand Stand , na bawa’t isa’y nag-iipon ng lakas bilang paghahanda anomang oras na kailangan sila sa anomang kaganapan, at isa rito’y ang magaganap na malaking rally na isasagawa ng magsasama-samang mga grupo mula sa iba’t-ibang antas ng lipunan na mananawagan ng puwersahang pagbaba sa Palasyo ng Pangulo ng bansa, na, ayon sa mga report, sasama rito ang mga maka-kaliwang grupo, mga kasundaluhan, mga kapulisan at mga kawani buhat sa iba’t-ibang ahensiya , bukod pa sa mga kumakalat na balita na ngayong gabi na tuluyan at totohanang magaganap ang pag-aaklas ng MAGDAYAO GROUP / SLB YOUNG OFFICERS FOR RESTORATION.
Mula sa Grand Stand, humigit-kumulang sa dalawang daang metro lamang ang layo ng may tatlong palapag ng malaking building ng General Headquarters, na kahit sabihin pang bagong renovate at bagong bihis dahil sa pinturang inihilamos dito ay hindi nakakahalina ang kanyang ganda dahil sinira at pinapangit ng naglabasang balita na napakalayo raw sa katotohanan ang halaga ng inireport na mga nagastos. Ang nakulimbat na pera ay ipinabaon daw sa nagrtire na Chief of Staff.
Kapag pinagmasdan ang kabuuan ng gusali ay madarama ang kanyang kalungkutan at kapanglawan dahil sa patuloy na pagsama at pagdumi ng kanyang puri at dangal bilang isang General Headquarters ng Sandatahang Lakas. Paano nga’y marami nang umupong Chief of Staff ang nakaladkad ang mga pangalan at katauhan sa mga katiwalian at anomalya. 
Sa second floor ng malaking building, tagos sa kurtina ng isa sa mga bintana ang aninag ng ilaw ng lampshade mula sa isang malaking upisina ng bagong Chief of Staff—si GENERAL VICTOR STA ANA.
Ang katahimikan sa loob ng upisina ay binasag ng tila nagmamadali at napaka-importanteng ring ng telepono.
Napabalikwas si GEN STA ANA mula sa pagkakahiga sa malaki at mahabang sofa na halos anino lamang niya ang mababanaagan . Inangat ang handset ng telepono at pilit na idinidilat ang mga mata sa tulong ng isang kamay na ikinukuskos sa kanyang tila numinipis nang mukha.
“Y-yes.” Mahina at tinatamad na boses ang itinugon ni GEN STA ANA sa hindi pa alam kung sino ang tumatawag. Nguni’t nang marinig ang boses sa kabilang linya ay biglang nagbalanse ang pagdaloy ng dugo sa buo niyang kalamnan. “Y-yes. Yes. Good morning Mr. President,sir.”

Naka t-shirt na kulay fatigue at pajama ang pang-ibaba, na ang ibig sabihin ay dito na siya natutulog, at katunayan mahigit dalawang linggo na siyang hindi umuuwi sa kanyang bahay. Sanhi ito ng paiba-ibang intelligence reports na kanyang tinatanggap tungkol sa iba’t-ibang kaganapan at mga pagkilos, lalo na ng tungkol sa MAGDAYAO GROUP/SLB YOUNG OFFICERS FOR RESTORATION.
Nanginginig ang kanang kamay na nakahawak sa handset ng telepno. Walang epekto sa biglang nag-init na katawan ang lamig na nagmumula sa dalawang aircon units ng kanyang upisina. Panay ang pahid ng towel na nakasampay sa kanyang balikat sa tumatagisdis na pawis mula sa unti-unti nang lumalapad na noo dahil sa unti-unti ring pagtanggi ng mga buhok para tumubo sa kanyang ulo. Kasi nga’y ang kanyang Commander In-Chief o ang Pangulo ng bansa ang kanyang kausap. 
“N-nagbigay na po ako ng orders sa lahat ng Major Services Commanders. (Pause) “…Yes, sir. Naka-schedule na iharap sa Media ang mga nag-defect sa Magdayao Group at exactly 1700Hrs today, sir.” (Pause) “Nasa custody po ni Secretary Amran, sir.” (Pause) “Makaaasa po kayo, Mr. President, sir.”
Nawala na sa linya ang kausap ni GEN STA ANA. Nanlulumong umupo sa kanyang swivel chair. Inihampas ang dalawang palad sa ibabaw ng kanyang lamesa. Pailing-iling. Ikinulong niya sa nanlalamig na mga palad ang kanyang mukha. Parang gusto na niyang bumigay. Parang gusto nang sundin ang pakiusap ng kanyang asawa at dalawang anak na magretiro na lang bago masira ang kanyang pangalan at dangal—at bago pa mahuli ang lahat.
Tila nawala sa sarili ang Heneral. Makailang ulit na itinitikom at ibinubuka ang mga palad ng nakaunat na mga braso. Hindi sinasadyang nadiinan niya ang buzzer ng intercom. Maya-maya’y may pumasok na isang sundalo. Napilitan siyang magpatimpla ng kape.
Sumariwa sa alaala ni ni GEN STA ANA ang isang umaga nilang magpamilya habang nag-aagahan, bago niya ideneklara ang red alert.
“At saka tingnan mo, Dad, ha.” Si Lucy. Ang kanyang panganay, na naghihintay na lang ng paglabas ng resulta ng katatapos na Bar Exam, na ayon sa nag-leak na mga impormasyon ay kasama sa top ten. “Paano ninyo maitutuwid ang sinasabi ninyong batas kung ang mismong nagpapatupad nito ang naglalagay ng mga butas? Sana ay hindi kayo matulad sa nagdaang mga Chief Of Staff na nalagay sa kahihiyan ang buong angkan nang madawit ang mga pangalan sa di-umano’y pagma-master mind sa pandaraya noong panahon ng eleksiyon. Masakit pakinggan at tanggapin, Dad, ang masabing tuta ng Presidente. Presidente ang pinaglilingkuran at hindi ang taong-bayan.”

Napapakagat na lang sa labi si GEN STA ANA. Hindi maisubo-subo ang kutsarang kanina pa hinihintay ng kanyang bibig para malasahan ng dila ang ginisang karne-norte na niluto ng kanilang kasambahay.

“At saka, Dad…” Si Daniel, ang kanyang bunso. Graduating na sa Mass Communications-Broadcast, na tinapos munang tunggain ang kalahating baso ng juice. “Pati na ang marami sa taga

Media, na dapat sana’y mag-re-report ng patas at totoo ay natuto na ring magpatapal ng salapi para mapagtakpan ang katotohanan. Dahil kung sino ang nagbibigay sa kanila ng salapi o mga biyaya ay iyon ang boss nila. Nagsisisi tuloy ako kung bakit Mass Com pa ang kinuha kong kurso.”

Wala sa sariling pabagsak na inilapag ni Daniel sa lamesa ang hawak na baso. Nagpatuloy ito sa pagsasalita. “ Ang problema sa ating bansa, Dad, ay ang pulitika at ang relihiyon. Kung naiintindihan at sinusunod lang sana ng mga pinuno natin ang kahulugan ng mga katagang ito ay hindi tayo magkakaganito sa ating bayan. At ang Sandatahang Lakas, na dapat sana’y manatiling neutral lamang sa lahat ng panahon at pagkakataon ay nakukulapulan na ng marumi at masamang pulitika.”

Hindi na makakain si GEN STA ANA dahil parang may nakabara na kung ano sa kanyang lalamunan. Walang pariralang gustong mamutawi sa kanyang mga labi para mangatuwiran. Paano nga’y nalalaman niyang tama at totoo ang sinasabi ng kanyang mga anak.

“Haayy, naku…” Si Mrs. Gloria Sta. Ana. Retired College Professor, na sa edad na singkwenta’y kwatro ay litaw pa rin ang kagandahan, habang sapu-sapo ang tasa ng kape sa mga palad. “Ewan ko ba riyan sa Daddy n’yo. Matagal ko nang sinasabing hindi na uso ngayon ang bayani at ang magpakabayani. Pwede naman niyang tanggihan ang pagiging Chief of Staff at mag-retire na lang, at mamuhay na lang tayo nang tahimik sa probinsiya…a, ewan.”

Umabot pa ng labing limang minuto ang pag-uusap na iyon ng magpamilya bago sila tumayo at lumisan sa hapag-kainan at nagkanya-kanya nang paalaman sa mga dapat puntahan.

Tatlong katok sa pintuan ang pumutol sa sinasariwang alaala ni GEN STA ANA. Nag-buzzer nga pala siya kanina para sa pagpasok ng kanyang pinatimplang kape. Pagkalabas ng sundalong naghatid ng kape ay isang manipis na higop lang at binalikan ang naputol na pagmumuni-muni.

Naiintindihan niya ang damdamin ng kanyang asawa’t mga anak. Para maibsan ang bigat na dinadala sa dibdib ay pinakakalma na lang niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng isang katuwiran na normal lang sa mga nagmamahal at nag-aalalang pamilya ang pakiusap sa kanya na magretiro na lang. Pero hindi normal ang kanyang kalagayan. Tatlong buwan pa lang magmula nang ma-appoint siya bilang Chief Of Staff ng Sandatahang Lakas. Wala pa siyang napapatunayan sa kanyang Commander In-Chief—sa mga kasundaluhan, at higit sa lahat, sa bayan.

Tumayo si GEN STA ANA. Hinawi ang kurtina sa likuran ng kanyang swivel chair na nakatabing sa bintanang salamin. Ipinasyal ang mga mata sa paligid ng kampo. Naroon ang mga sundalong galing pa sa iba’t-ibang lugar ng bansa. Pandag-dag-puwersa sa bilang ng mga sundalong nakatalaga sa mga kalunsuran.

Unti-unting nangilid ang butil ng mga luha mula sa kanyang mga mata. Wala siyang ipinagkaiba sa ordinaryong mga kawal na ito, kundi ranggo at mga dekorasyong nakakabit sa kanyang uniporme bilang isang Heneral. Tulad niya, sila’y may mga mahal din sa buhay, na natitiyak niyang pinakikiusapan din na umalis na lang sa serbisyo dahil sa panganib na sinusuong, lalo pa’t nalalaman nilang illegal at hindi makatuwirang mga utos mula sa nakatataas ang madalas na pikit-matang tinatalima. Siya’y isang buhay na saksi kung paanong nangamatay ang kanyang mga tauhan sa kamay ng mga kalabang rebelde noong siya’y isa pa lamang frontliner sa Marines.

Nguni’t binibigyan niya ng katuwiran sa kanyang isipan ang kalagayan ng sinasabi at tinataguriang mga kalaban ng pamahalaan. Sila’y mga kababayan at mamamayan ng bansa. May mga pamilya. Na, sa katotohanan, kaya sila namundok ay dahil sa mga problema sa nagpapatakbo ng pamahalaan ng gobyerno. Sa mga pinunong naging dahilan ng lalo pang pagdanas ng kahirapan ng buong sambayanan. Sa mga pinunong mapang-abuso at ganid sa kapangyarihan na kaliwa’t-kanan ang mga kaso ng katiwalian.

Sa gulang na limampu at siyam ay malakas pa ang pangangatawan ni GEN STA ANA, nguni’t ilang panahon na lang ay magiging matandang walang silbi na rin siya. Ngayon na ang pagkakataon para sa katuparan ng kanyang mga adhikain. Istudyante pa lang siya noon sa National Military Academy ay pangarap na niyang maabot ang kalagayan niya ngayon. Iningatan niya ang kanyang repyutasyon sa pamamagitan ng tapat na pagsisilbi at pagtupad sa kanyang tungkulin. Pinangarap niyang maging bahagi ng kalutasan sa mga problemang nagpapahirap at nagdudulot ng kalituhan at kaguluhan sa bayan, lalo na sa mga problemang pang-relihiyon at pang-pulitika, kaya nga kahit isa siyang Military Officer ay nagbasa siya nang nagbasa ng mga aklat na may kaugnayan sa mga ito. Lumalim at lumawak pa ang kanyang 
kaalaman sa karunungang espiritwal dahil isa siya sa nakinig ng mga aral tungkol sa pagtuklas ng mga karunungan ng Diyos sa hiwaga noong siya’y Commandant pa ng Marines. Ang nagturo sa kanya ay si Mang Bernardo, na nang mga panahong iyon ay may pitong pung taong gulang na, at nagkataong naging guro rin ni CDR SALVADOR, hindi nga lang sila nagtagpo.

Tanggap niyang totoo ang sinabi ng kanyang bunsong si Daniel na ang talagang problema ng bansa ay ang relihiyon at pulitika dahil sa maling pagkakaunawa at pagpapakahulugan sa mga katagang ito. Katulad ng magaganap na malaking rally ngayong araw, sasama rin daw ang ilang leader at mga kasapi ng mga sekta sa pananampalataya. Nagpapatunay lang na ang relihiyon at ang pulitika ay pwedeng magkaisa ng kulay dahil sa isang paniniwalang ipinaglalaban. Ito’y isang magandang senyales ng pagkakaisa ng pulitika at relihiyon. Sapagka’t ang nasa loob ng bakuran ng pulitika at relihiyon ay mga tao. Mga mamamayan ng bansa , na lubhang naaapektuhan ng mga pandarambong ng halos lahat ng namumuno sa pamahalaan.

Ito na ang tamang panahon at pagkakataon. Dito na maiaaplay ni GEN STA ANA ang kanyang kaalaman at karunungang espiritwal na naging sandata at pananggalang niya upang hindi siya masilaw sa kislap at kinang ng salapi sa panahon ng kanyang panunungkulan sa Sandatahang Lakas ng Bayan (SLB), na kung ito ay nagawa niya, magagawa rin ng sinoman, sibilyan man o militar.

Ngayon na niya itatama ang maraming mali. May malaking maitutulong ang kanyang posisyon bilang Chief of Staff upang pangunahan ang mga pinuno at mga kawal ng Sandatahang Lakas sa totoong pakikipaglaban at pagtupad sa tungkulin na taglay ang uniporme ng katapatan, katuwiran at katarungan, kaya lamang ay mauunahan siya ng pinagsamang puwersa nina LTSG KING at CAPT ROJANO, na sinadyang inilihim sa kanya.

Ikalawang araw pa lang ni GEN STA ANA sa kanyang bagong posisyon ay nagpa-imprenta na kaagad siya ng stationery with letterhead na may logo ng Sandatahang Lakas ng Bayan, na, sa pinakailalim na bahagi ng papel ay naka-imprenta ang dalawang talata mula sa Bibliya:

“Sinomang kawal na nasa pagkakawal ay hindi nahalubilo sa mga bagay ng buhay na ito; upang siya’y kalugdan niyaong nagtala sa pagkakawal.” (2 Timoteo 2:4) “Huwag kang tatanggap ng suhol: sapagka’t ang suhol ay bumubulag sa mga may paningin, at sinisira ang mga salita ng mga banal.” (Exodo 23:Cool

Madalas sumagi sa isipan ni GEN STA ANA ang masamang kinahinatnan ng mga opisyal at kasundaluhan na sumama at nakiisa sa marami nang coup attempt. Nguni’t higit siyang nasasaktan kapag naaalala ang ilang kasamahan at kaibigang Heneral, na dahil sa pagsasabi ng katotohanan ay nasira ang mga kinabukasan, samantalang ang mga Heneral na nakiisa sa kasinungalingan at katiwalian ay mga nagsiyaman at nalagay pa sa magagandang puwesto sa pamahalaan nang magsipag-retiro.

Ito ang isa sa kanyang pangako sa kanyang sarili na hindi na ito mangyayaring muli sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Chief of Staff. Katunayan, dalawa na sa mga utos ng Pangulo ang kanyang tinanggihan o hindi sinunod. Ang una ay ang pagpapa-interview sa Media para magsinungaling— upang pagtakpan ang mga kapalpakan sa administrasyon. Ang ikalawa’y upang magpadala ng mga sundalo sa iba’t-ibang lugar na magpapakilalang kunwa’y kasama sa grupo ng mga kalaban ng pamahalaan upang maghasik ng kaguluhan at terorismo para ma-i-divert ang atensyon ng bayan. Na ang ibig sabihin, siya ang gagawa ng problema, at siya rin ang lulutas.

Hindi katanggap-tanggap. Kinikilabutan si GEN STA ANA sa tuwing naiisip ito. Ang tawag dito ay “dirty job”. Na ang ibig pa ring sabihin, ang Sandatahang Lakas ng Bayan ay nasasalang at nasasangkot sa mali, marumi at masamang pamamaraan ng pulitika at personal na interes ng mga pulitiko. Dahil dito, ilan pa kayang pagtanggi at pagsuway sa utos ng kanyang Commander In-Chief bago siya masibak sa puwesto? Ito ang hindi nalalaman ng kanyang pamilya.

Kay tagal hinintay ni GEN STA ANA ang pagkakataong maging Chief Of Staff ng SLB. Bago iniatang sa kanya ang posisyon at tungkuling ito ay may pangako siya sa kanyang sarili na lilinisin niya ang bakuran ng Sandatahang Lakas . Seryoso siya na bago magretiro, kung hindi ganap ay mabawasan man lamang ang takot at pangamba ng mga mamamayan dahil sa patuloy na paglala ng mga kaguluhan sa apat na sulok ng bansa.

Nguni’t ang kanyang pag-asa’y nagdidilim. Ang kanyang mga pangarap at adhikain ay tila mabibigo at mawawalan ng saysay dahil sa mga kahilingan, mga pangangailangan, at mga pakiusap na kanyang tinatanggihan mula sa ilang maimpluwensiya at makapangyarihang mga Senador, Congressman, Cabinet Secretaries at kilalang mga tao sa lipunan—at ngayon nga’y umaabot na sa puntong siya’y pinagbabantaan at tinatakot na masibak sa puwesto.

Pilit mang ipinupwera at iwinawaksi sa isipan ay hindi mapapasinungalingan ni GEN STA ANA sa kanyang sarili na kabilang sa nang-iipit at nanggigipit sa kanya ang kanyang direct boss. Ang kanyang Commander In-Chief. Ang kinatatakutan at pinagpipitaganang Pangulo ng bansa. Gayonman, upang mapanatili niya ang kalinisan ng kanyang konsiyensiya, sinisikap niyang paghiwalayin sa isipan ang mga katagang TRABAHO, KATUNGKULAN at TUNGKULIN. Sapagka’t kaya siya nagtatrabaho ay dahil dito nanggagaling ang kanyang suweldo. Ang sinasabing katungkulan ay ang kanyang obligasyon sa Commander In-Chief at sa nasasakupang mga kawal. Ang tungkulin ay ang pananagutan niya sa bayan—na, sa pagtupad nito ay nakataya ang kanyang pangalan, dangal at buhay.

Ngayon nga’y nananatili pa ring nasa RED ALERT status ang Sandatahan sa buong kapuluan, at ang pinakabagong intelligence report ay ang maaaring pagsalakay ng diumano’y puwersa ng nagpapakilalang The Third Kingdom, na kahit wala pang malinaw at kumpletong impormasyon tungkol dito ay isa ito sa kanyang pinaghahandaan, nguni’t sinisikap na itago at ilihim muna sa MEDIA.

0545Hrs

Napabalikwas si GEN STA ANA mula sa pagkakasandal sa kanyang swivel chair nang muling mag-ring ang telepono na agad niyang sinagot.

“What!?”

Ibang klaseng pagkagulat at pagkabigla.

“S-sige, pagalawin ang buong puwersa ngayon din. Advise all Major Services Commanders for an emergency conference in my office.” Ang kanyang Vice Chief of Staff ang kausap. Pagkababa ng telepono ay dali-dali niyang tinungo ang shower room para maligo. Ilang sandali pa ay naka complete uniform na ito.

ITUTULOY
Posted: 21 August 2018/04 February 2019
https://www.facebook.com/groups/ofwprincess/permalink/2248789798722969/

farao king queen jocolor afro
Back to top Go down
https://pecog.forumotion.com
 
Ika-5 Labas - HULING DIGMAAN
Back to top 
Page 1 of 1
 Similar topics
-
» Ika-6 Labas - HULING DIGMAAN
» Ika-7 Labas - HULING DIGMAAN
» Ika-8 Labas - HULING DIGMAAN
» Ika-9 Labas - HULING DIGMAAN
» UNANG LABAS - SYNOPSIS

Permissions in this forum:You cannot reply to topics in this forum
Welcome to PECOG Official Community Forum :: Wealth of The Nations Section :: SUNEP - Spiritual Unifier Neutralizer Equalizer Purifier-
Jump to: